TUNGKOL SA PALIT YUNIT

Ang Palit Yunit ay isang website na nagpapakita ng ugnayan ng mga yunit panukat ng Ingles/Metric at Filipino.

May kakulangan sa mga mapagkukunan ng mga datos at ebidensya ukol sa paggamit ng sipnayan o matematika sa sinaunang kabihasnan ng Pilipinas. Sa isang pag-aaral ng Departamento ng Matematika sa UP Baguio, napagtanto nila na hindi tuwiran at nakapaloob lamang sa mga tradisyon ng mga Kankana-ey ang sipnayan. Nasuri nila ang konsepto ng algebra sa paghahabi at sa musika at geometry naman sa mga iskultura; [5] ngunit, hindi lamang sa mga ganitong tradisyon nailalapat ang sipnayan noon.

Mayroon din namang mga tuwiran na paggamit ng sipnayan noon lalong-lalo na sa wika ng panukat. Sa pag-aaral ni Ricardo Manapat, sinuri niya ang wika ng kosmolohiya ng mga Pilipino bago ang pananakop ng mga Kastila. Ayon sa kanyang naitala mula sa mga iba’t ibang sanggunian, ginagamit na dati pa ang salitang taon sa Visayas upang ilarawan ang pagsasama ng mga buwan. Ang salitang taon daw ay literal na nangunguhulugan na “pagsasama ng marami” na maiuugnay sa pagsasama ng labindalawang buwan. Ginagamit din daw ang salitang panahon para ilarawan ang “seasons and climates.” Ang salitang buan din ay ginagamit upang ilarawan ang mga yugto ng buwan. [2]

Sa larangan ng komersyo at kalakalan, mahalaga ang paggamit ng mga yunit ng panukat dahil kailangan ito sa pagtitimbang ng mga pagkain at iba pang produkto. Dakot ang salitang ginagamit mula noon pa man para sukatin ang mga bagay na kasya sa nakatikom na palad. Mahalaga ito sa mga mabutil na pagkain kagaya ng bigas at asin. Ginagamit din ang kaban para sa pagbili nang pakyawan at chupa, ganta, at salop naman para sa pagbili nang tingi-tingi. Noong 1906, isinabatas ng Philippine Commission sa pamamagitan ng dekreto ng Presidente blg. 1519 ,s. 1906 ang metric system ng mga Pilipino para sa kalakalan. Inistandardisa din nila ito upang maging angkop sa international metric system. [6]

Kakaunti lamang ang mga sanggunian tungkol sa paggamit ng mga panukat sa Pilipinas bago ang pagsakop ng mga Kastila sa Pilipinas. Ginagamit noon ang wika ng sipnayan sa tuwirang paraan kagaya ng paggamit sa wika ng kalakalan at sa wika ng komersyo. Buhat nito, nagkaroon tayo ng sariling metric system. Hanggang ngayon, ginagamit pa rin ang iilan sa mga yunit ng panukat sa ating sariling metric system. Ang iba naman kagaya ng ganta at chupa ay unti-unti nang nawawala sa mga usapan, pati sa merkado.

Ang proyektong Palit Yunit ay makatutulong sa mga sumusunod:

Mga nasa larangan ng kalakalan at komersyo

Makatutulong ito sapagkat ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipagusap sa kalakalan sa merkado ang mga yunit ng panukat at panimbang ng mga bagay-bagay kagaya ng bigas at tubig. Mapapadali ng website na ito ang pagpalit mula sa isang yunit ng metric system papunta sa kabilang yunit.

Mga nasa larangan ng agham at teknolohiya

Mahalaga rin ang mga yunit ng panukat at panimbang at ang pagpapalit nito mula sa isang yunit papunta sa isa sa mga nagtatrabaho sa loob ng laboratoryo.

Mga mag-aaral

Makatutulong ito sa pagtuturo ng mga yunit sa loob ng silid-aralan, kasama na rin ang pagtuturo ng pagpapalit nila. Mapapalawak din nito ang kanilang kaalaman sa mga pagmamay-ari nating metric system.

Mga web at app developers

Magiging gabay ito sa mga developers na nagnanais pang palawakin ang kanilang kaalaman sa larangan ng website development.

Mga mananaliksik sa hinaharap

Ang ginawang pananaliksik ng mga gumawa ng proyekto at ang kanilang pagsasama-sama ng mga yunit mula sa iba’t ibang sanggunian ay makakatulong sa mga mananaliksik ng parehong paksa sa hinaharap.

Mga Pilipino

Higit pa sa mga teknikal na kahalagahan ng proyekto na nabanggit sa itaas, makakatulong sa pagpapa-intelektwalisado ng Wikang Filipino ang Palit Yunit. Bubuhayin nito ang sariling metric system ng bansa na unti-unti nang nawawala sa pang-araw-araw na talakayan. Sa pamamagitan ng pag-intelektwalisa at pagbuhay muli rito, makakasabay pa lalo sa agos ng globalisasyon at internalisasyon ang Wikang Pambansa.

Bilang mga mag-aaral ng batsilyer ng agham, mahalaga ang paggamit ng sipnayan sa aming mga kurso. Bilang mga kimiko, napaka-importante ng mga tiyak at tumpak na sukat sapagkat isang pagkakamali lamang sa yunit ay maaaring malaki na ang epekto nito sa isang produkto. Higit pa rito, mahalaga ang mga yunit ng panukat at pagpapalit nito mula sa isang yunit papunta sa isa sa lahat ng aspeto ng lipunan.

Sa kabilang banda, malaking hamon sa mga computer scientist ang paglikha ng mapanghalina na website interface. Kailangan maging kaakit-akit ang visual design nito, interaktibo, at sa kaso ng Palit Yunit, impormatibo.

Bukod dito, hamon din sa aming mga mag-aaral ng Fil 40 ang pag-intelektwalisado ng Wikang Filipino. Sa maliit na paraan na paggawa ng Palit Yunit, binubuhay naming muli ang mga yunit ng panukat o ang sariling metric system ng bansa. Mahalaga rin ito sa pag-globalisa at pag-internationalize ng Wikang Pambansa sapagkat ang mga yunit ng panukat ay universal lalo na kung ito ay gagamitin sa kalakalan at komersyo.

[1] Almario, Virgilio S. KWF Manwal Sa Masinop Na Pagsulat. San Miguel, Maynila, Metro Manila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2014.
[2] Manapat, Ricardo. "Mathematical Ideas in Early Philippine Society: Posthumous Essay." Philippine Studies 59, no. 3 (2011): 291-336. Accessed May 31, 2021. http://www.jstor.org/stable/42634685.
[3] Almario, Virgilio S. UP Diksiyonaryong Filipino. Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino, Unibersidad ng Pilipinas, 2001.
[4] Hosch, William L. The Britannica Guide to Numbers and Measurement. United States: Britannica Digital Learning, 2011.
[5] University of the Philippines College Baguio and Faculty of the Discipline of Mathematics. The Algebra of the Weaving Patterns, Gong Music, and Kinship System of the Kankana-Ey of Mountain Province. Baguio City: Faculty of the Discipline of Mathematics, University of the Philippines College Baguio, 1996.
[6] Official Gazette of the Republic of the Philippines. “Act No. 1519, s. 1906 | GOVPH.” Accessed June 4, 2021. https://www.officialgazette.gov.ph/1906/08/03/act-no-1519-s-1906/.

I-SHARE ANG PALIT YUNIT

Natulungan ka ba ng website na ito? Ibahagi ito sa iba gamit ang mga button sa ibaba:

Maaari ring kopyahin ang link sa ibaba: